sapalaran (bagyo style!)
"Toooooooottttttt"…. argh! parating na naman ang tren. Nagising ako sa tindi ng ingay. Dumungaw ako sa bintana at nakitang makulimlim ang kalangitan at umaambon. Nang lumabas ako ng terrace, nasaksihan ko na bumabaha na pala sa kalye Dela Rosa. Nag-isip ako (teka, maaga pa para mag-isip ah… dapat pala’y maghanda na ako sa trabaho kaysa mag-isip ako ng walang kwentang bagay.).
Nang palabas na ako ng building (gusali raw ‘to sa tagalog), nakita ko ang mga taong naglalakad papuntang Buendia. Tang-ina! Agawan sa sakayan ng jeep. Buti na lang me isang oras pa ako para makarating sa opisina. Take note: Maaga ako. Nung pumunta na ako sa sakayan, Fahken Syet! Nasa sa kabilang island ang jeep. Di ako makatawid dahil sa tubig baha. Mga 3-5 meters lang naman ang layo kaso nagmukha syang isla sa 100 islands at kelangan mo ng bangka para makatawid at yun naman ay ginagampanan ng mga trisikad dun… Wow! Raket sa tag-ulan ‘to!
Nagdesisyon ako na bumalik na lang sa aking pinanggalingan at mag-aabang ng sasakyan. Doon ko rin nadiskobre na me bus palang papuntang opisina… Oo, aircon po ito at siguradong di ka mangangamoy usok pagpasok mo sa umaga. Pinara ko ang bus, at di nya ito itinabi (normal po ang sitwasyung ito sa lugar na ‘to). Bago ka pa makasakay sa bus, ay kailangan mong lundagin ang pinto para makapasok. Sa malas nga naman, may pilay pa ako kaya imposibleng makayanan ko ang lundag na iyon kaya minabuti kong umapak sa tubig baha. No choice! Isang yapak lang naman sabay kapit agad sa pinto ng bus, salamat kay Dr. Martens at di naman pinasukan ng tubig paa ko.
Ang trapik! Anak ng tipaklong, totoo ba ito? Mahuhuli na naman ako sa trabaho. Para sa di pa nakakaalam, halos dalawang kilometro lang po ang layo ng bahay at opisina ko. Sayang naman ng effort ko… sana huli na lang akong nagising. Sigh… Di nga ako nagkamali, nahuli ako ng 30 minutes.
Buhos pa rin ng buhos ang ulan, humihinto naman ito paminsan-minsan kasabay ng malakas na hagin. Nabalitaan ko na Typhoon Signal # 2 na raw si Florita (Floring ang tawag ng iba. Napapansin ko rin ang pangalan ng bagyo sa Pilipinas ay nagtatapos talaga sa "NG"). Wow! Bagyo! Syet, sa wakas at makakaranas na rin ako ng bagyo! Sa tuwa ko, napag-isipan kong maglakad pauwi at sasabak sa bagyo. Sa tingin ko rational thinking ginamit ko (oo, nag-iisip ako nun kasi hapon na at malapit na akong umuwi.) kasi maraming tao na naman nag-aabang sa sakayan at wala rin akong payong tiyak mababasa ako habang nakikipag-agawan ng jeep.
Sinimulan ko nang maglakad. Sumama naman kaofficemate ko sa kahibangan ko kahit na hanggang Ayala lang sya. Hindi ko naman sya pinilit pero pinipilit nya akong magbus… pero ayoko! Desidido na akong maglakad. Sabi ko baka mauuna pa ako marating sa bahay sa sobrang trapik ng mga panahong iyon.
Ang ganda ng Makati, dahil siguro sa ilaw at sa matataas na gusali na nagmistulang mga payong tuwing umuulan. "3 blocks away…" sa isip ko (naisip ko na yun kasi wala nang akong kausap sa puntong yun dahil nakasakay na ng bus kaofficemate ko sa Ayala).
Sa kalyeng Washington (isang kanto na lang yun sa tinitirhan ko), Okinam Syet! BAHA! Kaliwa’t kanan akong tuningin lahat umaapaw sa baha. Dalawa lang naman pagpipilian ko, kaliwa (Dela Rosa) at Kanan (Buendia). Kanan ang napili ko. Wise decision yun kasi naaalala ko na kaninang umaga pa bumabaha sa Dela Rosa pero ang tindi nito bat di ko pa naisipang umuwi ng maaga. Tado, ang tanga ko pa rin. Nilusob ko ang baha sa Buendia. Nasa harap ko ang babaeng nakahigh heels. Kung kaya nyang pasukin ang baha, kaya ko rin… "Kaya mo yan kid!" ika nga ni Jollibee. Siguro naman hanggang talampakan lang yung baha sa boots na suot-suot ko. Sinusundan ko ang mga yapak ng babaeng nakaheels. Kahit malalim at nasubsob na sya, ginawa ko na rin. Patay si Dr. Martens, pinasukan pa rin ng tubig sapatos ko. Walanghiya nga naman, kada may dumadaang bus, umaalon ang baha para kang nasa seashore. Minsan, naisip ko (tang-inang pag-iisip ‘to!) na pwede ka na palang magskimboard sa taas ng alon.
Sa wakas, nasa bahay na ako. Di naman halatang nakipagsapalaran ako sa baha. Sa katunayan nga eh habang nakapila ako sa elevator, me isang babaeng parang nagsnorkling sa baha. Di ko alam kung ako’y nasisisyahan o naiinis sa aking naranasan. Basta ang alam ko, first time kong naranasan ang Typhoon Signal #2 na si Florita (Floring ang tawag ng iba at sa Pinas nagtatapos ang pangalan ng "NG"). Kaya pala maraming taong nababagot pag may bagyo. Siguro sa susunod ganito na rin ang mararamdaman ko. Ang hirap palang ipagsabay ang simangot at tuwa!
July 14th, 2006 at 11:11 pm
hoy panay bob ong tayo ah! pano ba ‘to? pwede ka ng mag-sulat ng libro..mga kwento ni ipe… pwede yun! kataw-anan man ka pe oy. haha…ang gulo nga…lungkot at saya..nakaka-praning yun.